Mahirap magmahal ng itim na pusa. Para kang nilalamon ng gabi, ng kadiliman na parati mong tinatakasan ngunit hindi magawa. Nagpapanggap na kabiyak, ngunit anino mo lamang pala. Kapag umaali-aligid sa labas ng bahay, unti-unting nalilipat ang kadiliman ng gabi sa loob, hangga’t di mo na makita ang mga salitang binibitiwan mo. Hangga’t di mo na mahagilap ang bukas.
Mahirap magmahal ng itim na pusa. May mga mala-gintong mata na wala namang pinapangakong kaliwanagan. Kumikislap, pero nakakasilaw. Kumikinang, pero may maitim na budhing nagtatago sa likod ng liwanag. Mga mala-gintong mata na tatagos sa sarili mong budhi; kaakit-akit kasi.
Mahirap magmahal ng itim na pusa. Kikiskis sa iyong hita, ibabalot ang buntot sa braso mo, maglalambing hanggang lumubog ang buwan. Hahawakan mo ang kanyang buhok, padadaanin ang kamay sa bulubundukin ng kanyang katawan, ngunit wala siyang mararamdaman. Nais lamang niya bumalik sa buwan at iwan ka sa kamalasan.
Mahirap magmahal ng itim na pusa. Mahirap talaga.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
ang galing.
Post a Comment